Doon? Diyan? Dito?
Walang
katiyakan ang iyong hakbang, hindi ba? Aayaw mong tumingin sa iyong
kahapon. Wala kang tinitingnan kundi ang iyong ngayon. Ang iyong bukas
ay madilim. Sapagka’t ang iyong ngayon ay madilim. Tumatahak ka sa isang
landas na madilim. Sapagkat aayaw mong tumahak sa landas ng liwanag.
Ang liwanag ng iyong kaikawan. Lumalakad ka sa landas ng ibang naglalakad. Naglalakad na di mo alam kung saan ang tungo.
Wala
ka sa iyong sarili. Paano ang iyong bukas? Bahala na. Kanino mo
ipinababahala? Sa iyong ngayon? Nakatatawa ka. At nagkagagalit sa iyong
di-pagbibigay-pansin sa iyong dakilang kahapon. Bakit hindi lumingon? Sa
iyong pinanggalingan? Ayaw mong magsuri. Aayaw mong magnilay. Aayaw
mong mag-isip. Bakit mo dinadaya ang iyong sarili? Bakit ka nagtatago sa
lambong ng pagkukunwari?
Paano ang iyong bukas?
Oo, may liwanag din. Ngunit liwanag na ikaw na rin ang nasisilaw.
Sapagkat ang liwanag na iyon ay di iyo. Hiram. Ibig mo nang hiram na
liwanag. Bakit? Dahil ba sa napamayanihan ka ng bagong kapangyarihan, ng
bagong lakas? May isip ka ba? Oo, mayroon ka nga. Nguni’t isip na
pinagmamayanihan ng bagong kapangyarihan, ng bagong lakas, Isip na di
malaman ang susulingan. Isip na ‘linggal. Isip na sungyaw sa iyong
sarili. Sa iyong sariling kadakilaan. Sa iyong sariling tatak.
Tumitibok
ba ang iyong puso? Anong dugo ang dumadaloy sa iyong puso? Dugo ng
iba? Dugo ng ibang dugo? Nasaan ang dugo ng iyong kahapon? Ang dugo ng
kadakilaan? Ang dugong matigas sa pagtatanggol ng kaikawang kahapon?
Wala. Wala na ang dugong iyon. Pinalitang puso. Pinalitang dugo. Nino?
Ng kaikawan mo ngayon. Nahahabag ako sa iyo. Kahabag-habag. Kaawa-awa
ka. Ikaw na nagtataksil sa iyong pinaggalingan. Sa iyong kadakilaan. Ng
iyong kahapon.
Bago ang paligid. Bago ang lahat. Ngunit
dapat mo bang baguhin ang iyong pagiging ikaw? Ano man ang magyari, ikaw
ay ikaw na may isang tatak sa iyong sarili? Ang pangalan mo ay di na
magbabago. Manghiram kaman ng ibang pangalan ay di na magbabago ang
pagiging ikaw. Ang iyong pangalan kahapon ay pangalan mo rin ngayon.
Pangalan mo rin bukas. Pangalan mo magpakailanman. Kaya bakit ka
manghihiram ng ibang pangalan? Ng ibang tatak? Ng ibang kaikawan ng
ibang kakayahan?
Ikaw ay Pilipino, kahapon, ngayon at
bukas. Subalit bakit walang katiyakan ng iyong mga hakbang? Marami ang
nagtataka. Nagtataka sa kaikawan mo ngayon. Malayo ang iyong anyo sa
kaikawan mo ngayon. Pilipino ka sa turing ngunit di ka Pilipino sa iyong
tatak ngayon. Lupa at langit ang agwat ng iyong kahapon sa iyong
ngayon. Ang ngayon mo ay maputlang anino ng iyong kahapon. Isang
kamalian ng bagong ngayon mo. Ang bagong Pilipino ay ang lumang
Pilipino. Kaya mag-ingat ka sa iyong hakbang. Pilipino. Huwag kang
magpakabulag sa pagtapak sa landas ng kabaguhang walang kawawaan.
Tumatahak ka sa landas na lumang bago. Huwag sa bagong luma.
Pilipino. Ikaw ay dakila. Dumakila kang muli. Tumingin sa dako pa roon.
Doon sa pinanggalingan mo kahapon. Doon sa kahapong batbat ng kulay. Ng
kabayanihan. Ng kadakilaan. Ng katapangan. Ng pagmamahal sa sarili. Sa
sariling dangal. Sa sariling kapurihan. Ang ngayon mo ay sahol sa lahat
ng ito. Kaya mag-isip ka. Isipin mong ikaw ay Pilipino. Kahapon .
Ngayong at bukas.
Pilipino. Saan ka patungo?
Doon? Diyan Dito?
Saan?
Dumakila kang muli. Landasin mo ang landas ng kahapon. Ang kahapong landas ng Ng kabayanihan. Ng pagmamahal sa iyong sarili.
Pilipino, Pilipino, ikaw Pilipino sa kulay, sa anyo, sa dugo, Pilipino Kahapon, ngayon at Bukas.
Pilipino sa habang panahon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento